Dahil sa Temporary Restraining Order (TRO) ng Pasig Regional Trial Court Branch 152 sa P85 wage hike, nawalan na umano ng P840 ang mahigit isang milyong manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ito ang dismayadong pahayag ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kasabay ng pagkastigo sa inilabas na preliminary injunction ng korte imbes na bawiin nang tuluyan ang nasabing TRO.
“Total of P840 na ang hindi natatanggap ng mga minimum wage earners wage since na-TRO ang NCR Wage Order 27. Ngayong may preliminary injunction nang ibinaba ang korte mas lalong lalaki pa ang halagang ipinagkakait sa mga mangaggawa,” ani Cendaña.
Nitong Huwebes ang huling araw ng TRO subalit naglabas ng preliminary injunction ang korte kaya hindi pa rin maipatupad ang P60 sa P85 na umento na inaprubahan ng regional wage board sa mga manggagawa sa NCR.
Maging si Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ay hindi naitago ang lungkot sa naging aksyon ng korte dahil sa kabila ng Article 126 ng Labor Code na bawal maglabas ang anumang TRO at maging preliminary o permanent injunction laban sa anumang wage order ay pinakialaman ng RTC ng Pasig City ang wage increase na ito sa NCR.
“Nakakalungkot ang kautusang ito. Malinaw na nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na bawal maglabas ang anumang hukuman ng TRO at maging preliminary o permanent injunction laban sa anumang wage order. Ang tamang proseso para sa pag-apela ng isang wage order ay nasa Article 123 ng Labor Code, at hindi ito inihahain sa Regional Trial Court,” ani Diokno.
Sa taas aniya ng presyo ng bilihin ngayon, hindi sapat ang P85 wage hike para sa pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya subalit hinarang pa.
Dahil dito, kapwa iginiit ng dalawang mambabatas na dapat nang aprubahan ng Kongreso ang panukalang P200 legislative across the board wage increase dahil ito na lamang ang pag-asa ng mga manggagawa.
“This is wage theft in broad daylight. Barya na nga lang, na-snatchan pa ang mga manggagawa ng dapat dagdag sa sweldo nila. Uulitin ko. Madaliin na natin ang pagpasa ng P200 minimum wage increase,” ani Cendaña.
“Nananawagan tayo sa mga kasamahan natin sa Kongreso: Ipasa at isabatas na ang P200 daily wage hike na isinusulong ng Akbayan Partylist sa lalong madaling panahon,” ayon naman kay Diokno.
=====

Share.