Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hiwalay ang proseso ng pagbili (procurement) ng mga voice amplifier at mga laptop para sa mga guro sa buong bansa.
Ayon sa pahayag ng DepEd, nauna lamang ang pamimigay ng mga voice amplifier upang makapagbigay ng agarang suporta sa halos 880,000 guro nationwide habang kasalukuyang ginagawa ang maingat na proseso ng pagbili para sa higit 250,000 units ng teacher laptops.
Paliwanag ng kagawaran, mahalagang matiyak muna ang tamang kalidad ng mga laptop kabilang ang performance, durability, mahabang battery life, magandang warranty at ang pinakamainam na presyo para sa pamahalaan.
Anang DepEd, malapit nang matapos ang proseso ng procurement para sa mga nabanggit na laptop.
Bukod dito, ipinagmalaki ng DepEd na nakatipid ang pamahalaan sa pagbili ng mga voice amplifier sa tulong ng competitive bidding.
Mula sa naunang inilaang ceiling price na P480.76 bawat isa, nabawasan ito sa humigit-kumulang P300 hanggang P370 bawat unit (depende sa lokasyon), na may kasama ring 1-year warranty.
“Ibig sabihin, makukuha ng ating mga guro ang parehong classroom support na ipinangako ni President Ferdinand Marcos Jr.: Voice amplifiers ngayon, de-kalidad na teacher laptops na ang kasunod,” dagdag pa ng DepEd.
===

Share.