Isang bagong species ng namumulaklak na halaman ang nadiskubre sa Surigao del Sur sa Mindanao at ipinangalan sa international theater star na si Lea Salonga.
Tinawag na Begonia leasalongae ang bagong natuklasang halaman, na natagpuang tumutubo sa mabatong bahagi sa tabi ng isang maliit na sapa sa Sitio Cabugi, Unidos, Tago, Surigao del Sur.
Ayon sa mga researcher, kahawig ng Begonia leasalongae ang Begonia noraaunoriae, na nadiskubre noong 2023 at ipinangalan naman sa yumaong National Artist na si Nora Aunor.
Ang bagong species ay inilarawan ng mga botanist na sina Freddie A. Blasco, Grecebio Jonathan D. Alejandro, Junelito C. Cortes, at Rosario R. Rubite.
Kinilala si Lea bilang isa sa pinakamatagumpay na Pilipinong performer sa buong mundo matapos ang kanyang pinagbidahang papel bilang Kim sa “Miss Saigon,” na nagbigay sa kanya ng Best Actress at Outstanding Actress awards mula sa Tony Awards, Olivier Awards, Drama Desk Awards, Outer Critics Circle Awards, at Theatre World Awards.
Siya rin ang umawit para sa mga karakter na sina Princess Jasmine sa Disney’s “Aladdin,” Fa Mulan sa “Mulan,” at Celine sa animated film na “KPop Demon Hunters.”
Noong 2025, gumawa rin ng kasaysayan si Lea bilang kauna-unahang Filipina na pinarangalan ng sariling bituin sa Hollywood Walk of Fame.
====

Share.