Nanawagan ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division sa mga lumusong o na-expose sa baha nitong mga nakaraang araw na maging mapagmatyag sa mga sintomas ng leptospirosis.
Ayon sa paalala, dahil sa sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha, tumataas ang panganib ng pagkakaroon ng leptospirosis.
Nakukuha ang sakit kapag ang ihi o dumi ng mga hayop, tulad ng daga, ay nahalo sa tubig-baha at pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat sa balat, mata, ilong, o bibig.
Kabilang sa mga dapat bantayang sintomas ang lagnat, pananakit ng ulo at katawan, pagsusuka, panginginig, paninilaw ng balat, at pamumula ng mata.
Pinapayuhan ang mga lumusong sa baha na magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health center para makatanggap ng libreng konsultasyon at gamot kung kinakailangan.
Hinihikayat din ang publiko na maging maagap sa pag-iingat at agarang magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng mga nabanggit na sintomas matapos ma-expose sa baha o kontaminadong tubig.

