Matapos makumpleto ang pamamahagi ng Patient Transport Vehicles (PTVs) sa lahat ng munisipalidad at lungsod sa buong bansa, mga truck ng bumbero naman ang isusunod ng Marcos administration.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mayroon nang pondo para sa pamamahagi ng firetrucks sa buong bansa at nakabili na ang gobyerno.
Sinabi ng Pangulo na hinihintay na lamang nila ang pagdating ng mga biniling truck ng bumbero para maipamahagi sa bawat bayan at lungsod sa buong bansa.
“Inaantay na lang natin ang pagdating, nabili na ito, na-order na itong firetruck na ito, inaantay na lang natin ang pagdating nila bago natin idi-distribute,” anang Pangulo.
Sinabi ng Presidente na ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang mamamahagi sa firetrucks at sisiguruhing lahat ay mabibigyan, at papalitan ang mga truck ng bumbero na luma na at pinaglipasan ng panahon.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ang inisyatiba ay inaasahang magpapahusay sa paghahatid ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kakayahang tumugon sa panahon ng emergency, partikular sa mga insidente ng sunog.

=====

Share.