Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na aabot sa 25% voter turnout ang plebisito sa Parañaque na isinagawa nitong Sabado para sa panukalang pagbabago ng hangganan ng limang coastal barangays.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mahigit 79,000 rehistradong botante ang sakop ng plebisito.
Layunin ng botohan na alamin kung sang-ayon ang mga residente sa pag-aayos at pagpapalawak ng territorial jurisdiction ng Barangays Baclaran, Tambo, Don Galo, La Huerta, at San Dionisio.
Isinusulong sa panukala ang paggamit ng straight-line boundary method sa paghahati ng mga reclaimed land sa Manila Bay alinsunod sa City Ordinance No. 2023-19.
Nagsimula ang maagang pagboto para sa mga senior citizen, buntis, at persons with disabilities (PWDs) mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga, habang isinagawa ang regular na botohan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Nakaboto rin ang mga persons deprived of liberty (PDLs) sa Parañaque City Jail.
Manwal na isinagawa ang botohan, pagbibilang ng boto, at proklamasyon ng resulta.
Nilinaw ni Garcia na plurality of votes ang pagbabatayan ng resulta, kaya hindi kinakailangang makakuha ng mayorya ng kabuuang rehistradong botante.
Inaasahang mailalabas ng Comelec ang resulta ng plebisito pagsapit ng Sabado ng gabi o madaling araw ng Linggo, Hulyo 26.
===
Trending
- Illegal drugs nasabat sa Makati City
- EV CHARGING STATION PINASINAYAAN SA MAYNILA
- 2 adik dinampot
- Tesda, NCCA, NCIP naglabas ng gabay sa GAMABA Cultural Master at Bearer
- Drug den sinalakay, 8 suspek tiklo
- Malabon City: Ligtas na paggunita sa Undas tiniyak
- Work stoppage sa Atienza inter island shipping lines inilabas
- Katagay tinodas; “True Brown Style member”, isa pa nadakip

