Nasaan na ang mga “big fish?”
Ito ang pagtatanong ni ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio kasabay ng kaniyang pagbatikos sa “selective prosecution” at diumano’y pagtatakip sa mga kaalyadong nasasangkot sa korapsyon ng flood control.
Giit ni Tinio na mag-iisang taon na ang imbestigasyon ng mga anomalya sa flood control ngunit sa halip aniyang may maipakulong ay nagkakaroon pa ng pagtatakip sa mga kaalyado sa ilalim ng administrasyong Marcos.
“Maaaring sabihin ng Malacañang na may mga nakakulong na raw—isang dating senador, dalawang kasalukuyang senador—ngunit para sa taumbayan, hindi iyon. Oo, may mga pananagutan ang mga nakakulong pero alam ng mamamayan na hindi sila ang pinaka-responsable sa flood control corruption. Ang pinakamahalagang tanong ngayon: paano kung ang pinakamalaking isda ay si Pangulong Bongbong Marcos mismo?” pagtatanong pa rin sa kongresista.
Ayon pa kay Tinio trilyong piso ang nawaldas ng umano’y kasalukuyang administrasyon ngunit ang mga utak ng anomalya ng flood control ay nananatiling nakalalaya pa.
“Dahil ang mga alyado niya, ang mga pinaka-responsable, ang mga dating lider mismo ng House at ng Senate, sina Cong. Martin Romualdez at Sen. Chiz Escudero, at saka ng Kabinete ang pangunahing dapat managot. Sa pangunguna ng Pangulo, sila ang pangunahing dapat mapanagot. Nguni hindi sila kinakasuhan dahil una, kailangan protektahan ni Marcos ang kanyang mga alyado; at pangalawa, dahil kailangan protektahan niya ang kanyang sarili.”
Nagbabala pa ang mambabatas na ang tinatahak ng kasalukuyang imbestigasyon ay nagpapatunay at nagpapakita ng depektibo at biased system ng kawalan ng pagpapapanagot sa mga kaalyado sa politika kaysa magkaroon ng tunay na hustisya.
“Nakikita na natin ang ibig sabihin ng mga nangyayari. Nagkakaroon ng selective na prosecution at selective na pagpapanagot, nakabatay lamang sa kung kakampi ka o kalaban ng administrasyon. Iyon na ang alam na alam, at iyon ang perception ng publiko ngayon. Ibig sabihin, hindi magkakaroon ng tunay na accountability kung ang Pangulo mismo ay hindi mapapanagot,” giit pa ni Tinio.
Kabilang sa mga binanggit ni Tinio sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin, Unersecretary Adrian Bersamin dating DBM Secretary Amenah Pangandaman at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
“Hanggang ngayon, protektado ang sinibak na Executive Secretary Lucas Bersamin at ang Undersecretsary na bagman ng Pangulo na si Adrian Bersamin. Samantala, binigyan ng Pangulo ng bagong posisyon sa gubyerno ang kanyang dating DBM Secretary Amenah Pangandaman, at bibigyan ng immunity ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ng immunity, samantalang siya ang may direktang pamumuno sa ahensiya habang sa kasagsagan ng flood control corruption.”
Kapuna-puna na rin aniya sa publiko ang galawan ng administrasyong Marcos ukol sa paghahain ng kaso sa mga piling personalidad lamang, hindi patas na pag-iimbestiga, paghahain ng kaso at pagpapakulong.
Sinabi pa rin ni Tinio na sa kabila ng pagpapatuloy ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte ay hindi nito mabubura o maisasantabi ang stigma ng selective justice.
“Oo, may impeachment ngayon. Tama iyon. At matagal na hinihingi ng taumbayan na matuloy ang pagpapanagot sa Bise Presidente para sa pagwaldas ng confidential funds, undeclared wealth, death threats, at iba pa. Pero muli, whether ma-convict o hindi, mananatili ang perception ng taumbayan na selective ito kung hindi pananagutan ang mga pinaka-responsable sa flood control corruption, unang-una na ang Pangulo.”
Kaya sa darating aniyang State of the Nation Address (SONA) ay hindi malayong hanapin ng mamamamyan ang koprehensibong paghingi o paghanap ng hustisya.
“Kaya sa darating na SONA, dala pa rin ng taumbayan ang panawagan: lahat ng sangkot dapat managot, at magsimula tayo sa pinakatuktok. Kay BBM. Only then will all the rest follow,” ani Tinio.
====
Trending
- Charly Suarez pinatumba si Avila sa Round 1
- Spain kampeon sa 2026 FIFA World Cup
- Andrew E, nag-mini concert sa graduation ng int’l school
- Maja, tinuruang lumangoy ang baby
- Blind item, tinumbok: Iza Calsado at asawa
- Parak sapol ng stray bullet sa away 2 grupong Moro
- Pulis patay sa pagresponde sa gulo sa videoke bar
- Ligtas na access sa WPS mahalaga

