Patay ang isang inosenteng tricycle driver at sugatan ang kanyang pasaherong menor-de-edad at isang pulis na diumano mismong target ng ambush sa isang mataong kalye sa Barangay Poblacion 5 sa Cotabato City nitong Linggo, July 12.
Sa ulat nitong Lunes ng mga officials ng intelligence units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, ang target ng naturang pananambang ay ang off-duty na motoristang pulis na si Cpl. Titing Kauring, nagresulta sa pagkamatay ng tricycle driver na si Basir Gapor sanhi ng mga tama ng stray bullets.
Sugatan sa naturang ambush si Kauring at ang pasahero ni Gapor na kinilala lang mga kinauukulan na Yusseff dahil menor-de-edad.
Ayon kay Captain Anuar Mambatao, hepe ng Cotabato City Police Precinct 1, parehong nasa nasa ligtas nang kalagayan ng mga sugatang sina Kauring at ang high school student na si Yusseff.
Sakay si Kauring ng motorsiklo, nakabuntot sa tricycle ni Gapor, ng sila ay pagbabarilin ng mga salarin sa isang bahagi ng Jose Lim, Sr. Street sa Barangay Poblacion 5.  Mabilis na nakatakas ang mga bumaril sa kanila gamit isang motorsiklong walang plaka.
Na-deklarang dead on arrival si Gapor ng mga doctor sa Cotabato Regional Medical Center sa uptown area ng Cotabato City kung saan siya dinala ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Ayon kina Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office, at mga local executives na nag-responde sa insidente, malinaw ang mga indikasyon na ang pulis na si Kauring ang target ng naturang ambush.
Ayon sa mga imbestigador mula sa Cotabato City Police Precinct 1 at kay Bongcayao, wala kagalit ang nasawing si Gapor at ang kanyang pasaherong si Yusseff, batay sa inisyal na ulat ng kanilang mga kamag-anak at mga kakilalang mga barangay officials sa kani-kanilang mga lugar.
=====

Share.