Muling pinagtibay ng Pilipinas at 13 pang bansa nitong Linggo, Hulyo 12, ang kanilang pangako sa pagpapanatili ng isang malaya, bukas, at mapayapang Indo-Pacific kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyon ng Arbitral Tribunal sa South China Sea.
Ginawa ng Pilipinas, Australia, Canada, Estonia, Germany, Italy, Japan, Latvia, Lithuania, New Zealand, Romania, Slovenia, United Kingdom, at United States ang pagpapatibay sa isang nagkakaisang pahayag.
“We reaffirm our unwavering commitment to maintaining a free and open Indo-Pacific that is peaceful, stable, and rules-based, anchored in international law,” ayon sa joint statement na ibinahagi ng Department of Foreign Affairs.
Binigyang-diin ng mga naturang bansa na ang desisyong inilabas ng Arbitral Tribunal sampung taon na ang nakalipas ay “final, legally binding, and definitive” sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng maritime entitlements at claims na saklaw ng kaso.
Iginiit din nila na ang mga sigalot sa karagatan ay dapat lutasin sa mapayapang paraan at alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), habang binibigyang-halaga ang kalayaan sa paglalayag, paglipad, at iba pang lehitimong paggamit ng karagatan sa ilalim ng internasyonal na batas.
“We reaffirm the Arbitral Tribunal’s decision that there is no legal basis for China’s expansive maritime claims in the South China Sea, including those based on ‘historic rights’,” dagdag pa sa pahayag.
Nagpahayag din ang mga bansa ng matinding pagtutol sa anumang hakbang na nagdudulot ng destabilisasyon o isinasagawa nang unilateral, kabilang ang paggamit ng puwersa o pamimilit na nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Tinutulan din nila ang umano’y pananakot at pangha-harass gamit ang coast guard, militar, at maritime militia laban sa mga lehitimong operasyon ng ibang bansa sa dagat at himpapawid.
Muli ring ipinahayag ng mga lumagda ang kanilang suporta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific, gayundin sa layunin ng ASEAN na mapanatili ang South China Sea bilang dagat ng kapayapaan, katatagan, kooperasyon, at kaunlaran.
Trending
- Victor Wembanyama, pumirma ng $252-M rookie max extension
- Joshua Pacio, naselyuhan ang ONE Strawweight MMA world title
- Housemates sa Bahay ni Kuya, nagsama sa isang pelikula
- Elisse Joson tinawanan akusasyong kabit ng politiko
- Ate Gay ‘di pa cancer free, sumalang sa cyberknife
- Pinoy ‘guilty’ sa pagpatay sa misis na Pinay sa US
- Sakahan winasak ng rumaragasang flash flood
- Matibag inimbita ng FBI

