Upang mapahusay ang access ng publiko sa serbisyo sa gobyerno, pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng Civil Registration and Vital Statistics (CVRS) Decade sa bansa hanggang 2030.
Nakapaloob ito sa Proclamation no. 1339 na layuning matugunan ang gap sa pagpapatala sa kapanganakan at kamatayan sa pamamagitan ng mas pinahusay na koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno at stakeholders.
Ang CVRS Decade ay nakatakda sanang magtapos noong 2024.
Sa ilalim ng proklamasyon, inaatasan ang Philippine Statistics Authority (PSA) na pangunahan ang responsableng koordinasyon, pangangasiwa at monitoring sa implementasyon ng mga programa at inisyatiba sa ilalim ng extended CVRS Decade.
Makikipagtulungan ang PSA sa mga kaukulang ahensya, local government units, at iba pang stakeholders upang isulong ang mga reporma sa civil registration at mapahusay ang access sa serbisyo para sa legal na pagkakakilanlan.
Hinikayat ang LGUs, non-government organizations at pribadong sektor na aktibong makilahok sa mga ipapatupad na programa at mga inisyatiba sa ilalim ng pinalawig na CVRS Decade.
=====

Share.