Ipinagtanggol ang boxer at Kapuso artist na si Eman Bacosa Pacquiao ng kaniyang ina matapos itong makatanggap ng batikos mula sa ilang netizens kasunod ng pagkatalo nito sa boxing match noong Linggo, Hunyo 21, laban kay Rodelyn Perez.
Natalo si Eman kay Rodelyn sa kanilang laban para sa Philippine Boxing Federation lightweight title na ginanap sa DRP Sports Complex sa Muntinlupa City.
Sa naturang laban, tatlong beses na napabagsak si Eman ng kaniyang kalaban.
Matapos ang pagkatalo, umani ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang anak ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. May ilang netizens na nagsabing maaaring naapektuhan ang kaniyang pagganap sa boksing dahil sa pagpasok nito sa showbiz at iba pang aktibidad sa labas ng ring.
Dahil dito, hindi pinalampas ng kaniyang inang si Joanna Rose Bacosa ang mga negatibong komento at naglabas ng mahabang mensahe bilang pagpapakita ng suporta sa kaniyang anak.
Ayon kay Joanna Rose, nananatili pa ring panalo si Eman sa kanilang pamilya at sa mga taong patuloy na nagtitiwala at sumusuporta rito.
Iginiit din niyang mahusay na lumaban ang kaniyang anak at binanggit ang umano’y mga pagkukulang ng referee sa laban. Aniya, ilang beses umanong nasuntok si Eman sa likod ng ulo ngunit wala umanong naging kaukulang babala o parusa laban sa kalaban.
Gayunman, aminado rin siyang marami pang kailangang pagbutihin si Eman bilang boksingero.
Para kay Joanna Rose, higit na mahalaga ang pagiging patas, mabuting tao at matatag na pananampalataya ni Eman kaysa anumang titulo o sinturon sa boksing.
Pinuri rin niya ang anak dahil nanatili itong matatag sa pananalig sa Diyos sa kabila ng pagkabigo sa laban.
Sa kaniyang post, sinabi pa niyang hindi mabubura ng isang pagkatalo ang mabuting impluwensiya at inspirasyong naibibigay ni Eman sa mga tagahanga niya.
“Sabihin na nating marami ka pang kailangan na iimprove pero Malinis ka mag laro Eman at hindi madaya. Hayaan mo ng wala kang belt hindi yan kawalan ng pagkatao mo ang belt,” mababasa sa post ng ina ni Eman.
Binanatan din niya ang mga basher at iba pang content creators na ginagawan daw ng mapanirang content si Eman.
“Hayaan lang natin ang ibang tao na nagsasalita ng negatibo tungkol sayo ginagawa kang content para sila ay kumita pag bigyan naman natin sila baka ikaunlad nila ang ginagawa nila,” aniya.
===
Trending
- Mommy ni Eman Bacosa: ‘Malinis ka maglaro at ‘di madaya
- Coach Chot Reyes ‘very good coach’ ang pagkakakilala kay Tab Baldwin
- Pops Fernandez nagreak sa kanyang estatwa
- Catriona Gray trending sa Thailand
- Piolo Pascual ‘tinuka’ si Arci Muñoz
- DOT, naglunsad ng discounted travel deals para sa lokal na turismo
- Ikalawang dagdag-toll sa SLEX, STAR, ipatutupad sa Hulyo 1
- Proseso sa pagpapalit ng mga konsyumer ng supplier ng kuryente hiniling paikliin

