WALONG wanted sa batas ang naaresto ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director Brigadier General units at police Benliner Capili sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Sa ulat ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, naaresto ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ang 65-anyos na lolo na residente ng Brgy., 133, ng lungsod na akusado sa kasong murder.
Isinilbi sa kanya ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 123, Caloocan City, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Dinampot naman ng mga operatiba ng DID-IOS North ang 39-anyos na lalaki na residente ng Brgy., Bagong Silang at akusado sa Attempted Murder sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 126, Caloocan City, na may inirekomendang piyansa na P120,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Isang 44-anyos naman na lalaking car tint installer at residente ng Brgy., 185 ang dinakip ng mga operatiba ng NPD-DSOU sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 123, Caloocan City para service of sentence dahil sa paglabag sa Republic Act 9165.
Sa ilalim ng Responsive and Dynamic Law Enforcement and Public Safety Services, pinatitibay ng NPD ang pangako nitong pangalagaan ang mga komunidad, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at paghahatid ng maagap, mahusay, at maaasahang serbisyo ng pulisya sa publiko. (Roger Panizal)

