Inanunsyo ng National Food Authority (NFA) nitong Lunes na magsasagawa ito ng auction para sa isang milyong sako o mahigit 50,000 metric tons ng aging rice stocks sa Hunyo.
Naantala ang auction na una sanang gagawin noong Mayo. Mas mataas din ito kumpara sa naunang tinatayang 5,000 metric tons na volume.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, inaasahan pa rin nilang maraming traders ang sasali sa auction kahit may umiiral nang ₱50 kada kilo na price cap para sa imported rice at ₱53 suggested retail price para sa lokal na bigas.
“Kung bumababa na sa labas, siyempre ’yung interest ng mga prospective auctioneer medyo bababa. But we’re expecting marami pa rin magpa-participate,” ani Lacson.
Inaayos pa ng NFA ang guidelines para sa disposal ng lumang rice stocks, habang target nilang bahagyang taasan ang auction prices upang makahikayat ng mas maraming bidders.
Samantala, nakabili na ang NFA ng 25,000 metric tons ng palay mula sa target nitong 350,000 metric tons para sa unang kalahati ng taon.
Ayon pa kay Lacson, nasa ₱27 kada kilo na ngayon ang buying price ng NFA para sa palay mula sa dating ₱22 hanggang ₱28 kada kilo.
Plano rin ng ahensya na makabili ng kabuuang 790,000 metric tons ng palay para sa 2026.

Share.