Iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Lunes na nananatiling buo at solid ang 13-miyembrong majority bloc sa Senado sa gitna ng mga usap-usapan tungkol sa posibleng pagbabago sa liderato.
“Buo ’yung 13. Sa 13, walang onsehan,” ani Cayetano, na ang ibig sabihin ay walang magtataksilan o magdo-double cross sa kanilang grupo.
Lumabas ang usapin matapos suportahan nina Senador Francis Pangilinan, Panfilo “Ping” Lacson, Vicente “Tito” Sotto III, at Risa Hontiveros si Sen. Sherwin Gatchalian bilang posibleng susunod na Senate President.
Kabilang sa majority bloc sina Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Loren Legarda, Pia Cayetano, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, Camille Villar, at Mark Villar.
Samantala, binubuo naman ng minority bloc sina Hontiveros, Gatchalian, Pangilinan, Lacson, Sotto, Bam Aquino, Lito Lapid, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, JV Ejercito, at Migz Zubiri.
Kinumpirma rin ni Zubiri na nakikipag-usap sila sa ilang miyembro ng majority bloc ngunit wala pa silang sapat na numero para sa posibleng Senate coup.
Ayon kay Zubiri, nananatili pa ring mainit ang emosyon ng ilang senador matapos ang mga nangyari noong nakaraang linggo kaya kailangan pa umano ng mas maraming pag-uusap.
Dagdag pa niya, si Gatchalian ang “most acceptable candidate” para sa kanilang grupo dahil sa maayos at transparent umano nitong pamumuno sa Senate Finance Committee.

Share.