Naniniwala ang Department of Agrarian Reform (DAR) na ang dating itinuturing na basura sa bukid at walang pakinabang ay isa nang bagong pagkakakitaan para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Aldezar.
Ayon sa DAR, ito’y matapos matagumpay na natapos ng mga miyembro ng Masaganang Buhay Farmers and Agrarian Reform Beneficiaries Association (MBFARBA), Inc. ang isang specialized training tungkol sa value-added coconut products kung saan natutunan nilang gawing kapaki-pakinabang at mabentang produkto tulad ng lubid at poste ang mga tira-tirang bahagi ng niyog.
Isinagawa ang pagsasanay sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR), Philippine Coconut Authority (PCA), at Bicolandia Organic Coco Farmers Agriculture Cooperative (BOCoFACo).
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III, hindi lamang pamamahagi ng lupa ang tunay na layunin ng pagpapalakas sa mga magsasaka.
“Layunin nating mabigyan ang ating mga ARB ng kaalaman at kakayahan upang mapakinabangan ang bawat bahagi ng kanilang ani,” ani Estrella.
“Sa pamamagitan ng value-added processing, tinutulungan nating maging negosyante ang ating mga magsasaka habang sinisiguro na walang materyales na nasasayang.
Kaugnay nito, ayon kay Lea A. Villaraza, DAR Chief for Support Services, bahagi ito ng proyektong Village-Level Farm Enterprise Development (VLFED) ng ahensya.
“Layunin ng VLFED project na matulungan ang mga magsasaka na gawing market-ready ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng training, teknolohiya, at pagpapaganda ng mga pasilidad,” ani Villaraza.
Samantala bilang karagdagang suporta, makatatanggap din ang MBFARBA ng ₱500,000 halaga ng materyales para sa pagsasaayos ng kanilang processing center.
Sa nasabing training, ipinakita ni Jay Jay D. Recamara ng PCA ang iba’t ibang pagkain at gamit na puwedeng gawin mula sa niyog. Pinangunahan naman ni BOCoFACo Chairperson Minerva Longaza ang pagtuturo kung paano gumawa ng lubid at poste mula sa bunot ng niyog.

Share.