Kinontra ng International Criminal Court (ICC) Registry ang pahayag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na madalas umano itong nakararanas ng pagkatumba o pagkadulas habang nakakulong sa The Hague.
Sa inilabas na public redacted filing noong Mayo 20, sinabi ng ICC Registry na “rare occasions” lamang nangyari ang mga insidente at ang kondisyon ni Duterte ay “consistent with his age and mobility.”
Kinumpirma rin ng Registry na nananatiling nasa ilalim ng 24/7 monitoring si Duterte sa ICC Detention Centre dahil sa kanyang edad at ilang chronic physical ailments.
“The Registry said the monitoring allows detention staff ‘to observe Mr Duterte 24/7 and respond to any need he may have and reduce the response time should there be any incident,’” ayon sa dokumento.
Ang pahayag ay tugon sa mosyon na inihain noong Mayo 8 ng dating lead defense counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman, na humihiling ng pagsusuri sa surveillance footage at iba pang dokumento kaugnay ng umano’y pagkawala ng balanse ng dating pangulo habang nakakulong.
Sa naturang mosyon, iginiit ng depensa na si Duterte ay nakaranas ng “frequent episodes of falls occasioned by a loss of balance” at minsan pa umanong isinugod sa ospital.
Ngunit ayon sa ICC Registry, “On rare occasions where Mr Duterte did have a fall, ICC DC custody staff were able to respond immediately to assist him, and immediately call for medical assessment.”
Dagdag pa nito, inayos na rin ang loob ng selda ni Duterte upang maging mas ligtas at komportable ang kanyang paggalaw.
Sinabi rin ng Registry na wala nang naitalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na 30 araw.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Duterte ang access sa surveillance footage ng detention facility upang suportahan ang kanilang argumento na may pagbabago sa kondisyon ng dating pangulo na maaaring makaapekto sa detention risk assessment ng ICC.
Binanggit din ng depensa ang clinical consultation note noong Marso 24, 2026 kung saan nakasaad na si Duterte ay nagiging makakalimutin at hindi alam ang kasalukuyang petsa at buwan.
Gayunman, tiniyak ng ICC Registry na nananatiling maayos at tuloy-tuloy ang medical care na ibinibigay kay Duterte.
Samantala, sinabi rin ng ICC prosecutors na wala umanong bagong pangyayari o pagbabago sa sitwasyon na magbibigay-daan upang baligtarin ang naunang desisyon ng korte na manatili sa detention si Duterte.
Ang bagong defense team ni Duterte na pinamumunuan ni British lawyer Peter Haynes ay humihiling naman ng panibagong medical evaluation upang matukoy kung fit pa itong humarap sa paglilitis matapos pagtibayin ng ICC ang mga kaso laban sa kanya noong Abril 23

Share.