Nasawi ang tatlong katao at apat ang sugatan, kabilang ang isang menor de edad, sa dalawang magkasunod na pananambang na naganap sa loob lamang ng pitong oras sa Cotabato City nitong Sabado.
Sa unang insidente na naganap sa Barangay Rosary Heights 11, agad na nasawi ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang armado.
Kinilala ang mga biktima na sina Ibrahim Miya at Aldren Karisio Keda.
Nasugatan naman ang tatlong babaeng kasama nilang sina Johaira Mohammad, Leisith Tan, at Clarizze Tubilan, na kaagad na isinugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Batay sa paunang imbestigasyon, inabangan umano ng mga suspek ang grupo at pinaputukan gamit ang matataas na kalibre ng baril habang binabaybay ng mga biktima ang kanilang ruta.
Makalipas ang pitong oras, isa na namang motorista ang napatay sa hiwalay na ambush sa LR Sebastian area, Barangay Rosary Heights 10.
Kinilala ang biktima na si Surraff Kadir Pasandalan, residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Sugatan naman sa naturang insidente ang kanyang 16-anyos na anak na lalaki na kasama niyang sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin sila ng mga armadong lalaking umano’y nakaabang sa kanilang daraanan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa magkasunod na pananambang.
Trending
- Victor Wembanyama, pumirma ng $252-M rookie max extension
- Joshua Pacio, naselyuhan ang ONE Strawweight MMA world title
- Housemates sa Bahay ni Kuya, nagsama sa isang pelikula
- Elisse Joson tinawanan akusasyong kabit ng politiko
- Ate Gay ‘di pa cancer free, sumalang sa cyberknife
- Pinoy ‘guilty’ sa pagpatay sa misis na Pinay sa US
- Sakahan winasak ng rumaragasang flash flood
- Matibag inimbita ng FBI

