Ipinaliwanag ni dating Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles kung bakit nananatili sa 16 votes ang kailangan para maabot ang two-thirds threshold sa Senado kaugnay ng Sara Duterte impeachment trial.

Sinabi ni Atty. Trixie na nakasaad sa Konstitusyon na ang two-thirds vote ay dapat ibatay sa lahat ng miyembro ng Senado.

Dahil 24 ang full constitutional composition ng Senado, 16 na boto ang kailangan para makamit ang two-thirds majority.

“An ordinary reading of the constitutional provision says two-thirds of all the members of the Senate. If the provision is clear, there is no need to interpret,” aniya.

Ibinahagi rin ni Cruz-Angeles ang naging ruling ng Supreme Court sa Bayan v. Zamora, kung saan nilinaw na ang batayan ay ang buong constitutional composition ng Senado, o 24 miyembro, kahit may bakanteng puwesto.

Saad niya, nang panahong ginawa ang desisyong iyon, may isang bakanteng puwesto sa Senado nang maging bise presidente si Gloria Macapagal-Arroyo kaya’t naging 23 senador ang bilang.

Hiniling aniya ng petitioner na ibaba ang vote threshold dahil sa pagkawala ng isang senador ngunit hindi umano sumang-ayon ang Korte Suprema at sinabing ang batayan ay palaging 24.

Dahil dito, hindi umano awtomatikong bumababa ang vote threshold kapag may bakante o lumiliban na senador.

Layunin din umano ng naturang interpretasyon na maiwasang maapektuhan ng pansamantalang mga pangyayari ang proseso ng pagboto sa Senado.

“Because the provision is clear, and the Supreme Court’s decision is equally clear, the voting threshold will always be 16, because the Supreme Court says the base will always be 24,” ani Trixie Cruz-Angeles.

Share.