TIKLO ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng halos P300,000 halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, Huwebes ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Boss”, 24, ng Brgy., 187 at alyas “Jim”, 50, ng Brgy. 188, kapwa ng lungsod.
Ayon kay Col. Goforth, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police hinggil sa umano’y pagbebenta ng illegal na droga ni alyas Boss sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.
Sa koordinasyon sa PDEA, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban kay alyas Boss makaraang isa sa kanyang mga tauhan ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek.
Kaagad dinamba ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng kanyang ibinenta na isang plastic sachet ng shabu dakong alas-10:25 ng gabi sa Excess Lot, Phase 12, Brgy., 188 ng lungsod.
Kasama ring inaresto ang isa umano sa kanyang mga parokyano na si alyas Jim at nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 42.47 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P288,796.00, at buy bust money.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Roger Panizal)

