Upang bigyan umano ng konting luwag ang sambayanang Pilipino sa kanilang mga bayarin, naghain ng panukalang batas si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay para burahin ang 12% Value Added Tax (VAT) sa kuryente.
Sa House Bill (HB) 10160 o Electricity VAT Relief Act na inakda ng mambabatas, hindi lamang ang mga mga residential kundi maging ang agricultural, commercial at industrial consumers ang ipinalilibre sa nasabing buwis.
“Sa tuwing tumataas ang presyo ng bilihin, ang unang tanong lagi ay kung magkano ang ayuda. Pero may mas simple at mas patas na solusyon—hayaan nating manatili sa mga Pilipino ang mas malaking bahagi ng kanilang pinaghirapan,” ayon sa mambabatas.
“Hindi lahat ng problema ay kailangang solusyunan sa pamamagitan ng panibagong subsidy. Minsan, ang pinakamabisang tulong ay huwag nang kunin ang pera ng tao sa umpisa pa lang,” dagdag pa nito.
Naniniwala ang mambabatas na malaki ang mababawas sa bayarin ng mga tao sa kuryente kapag inalis ang VAT at lahat ay makikinabang kumpara sa mga ayuda na hindi lahat ay nabibigyan.
“Ang kuryente ay hindi na luho. Pangangailangan na ito ng bawat pamilya, paaralan, ospital, negosyo, at sakahan. Kapag binawasan natin ng 12% ang VAT sa kuryente, automatic na bababa ang buwanang gastusin ng bawat sambahayan. Hindi na kailangan ng aplikasyon, pila, o kwalipikasyon. Ang bawas sa bill ay bawas sa gastos ng bawat Pilipino,” ayon pa kay Suntay.
Makikinabang din aniya ang ekonomiya sa mas murang halaga ng kuryente dahil mababawasan ang operating costs ng mga negosyo, manufacturers, at agricultural producers, na maaari ring magpababa ng presyo ng mga produkto at serbisyo.
“Mas maraming perang mananatili sa bulsa ng tao, mas maraming perang iikot sa ekonomiya. Kapag mas malaki ang naiuuwi ng manggagawa sa kanyang pamilya, mas malakas ang konsumo, mas lumalago ang negosyo, at mas mabilis ang pag-unlad ng ekonomiya. Hindi dapat lahat ng kinikita ng Pilipino ay may kasamang buwis,” ayon pa kay Suntay.
=====

Share.