TIMBOG ang 51-anyos na tsuper na kumatalo sa kanyang kapwa driver matapos nakawin ang wallet ng biktima noong Sabado ng gabi sa Valenzuela City.
Natutulog sa loob ng ipinapasadang jeepney na nakaparada sa Karuhatan Road ang 42-anyos na biktima nang palihim na dukutin ng suspek ang kanyang wallet na naglalaman ng P150.00 dakong alas-10:15 ng gabi.
Nagising ang biktima kayat hinabol niya ang suspek na nagtatakbo patungong Karuhatan Public Market kung saan siya tuluyang nakorner.
Sa gitna ng komosyon, isang concerned citizen ang humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station-9 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nabawi sa suspek ang ninakaw na wallet sa biktima at nang kapkapan, nadiskubre ang kalibre .38 paltik na revolver na kargado ng isang bala na nakasukbit sa kanyang baywang.
Mahaharap ang suspek sa kasong Theft at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Edison de Jesus)

