HINIMOK ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga residente na tumulong at makiisa sa paglilinis ng mga sagabal sa lansangan na nakakahadlang sa maayos na daloy ng trapiko at paglilinis ng mga lansangan.

Sa kanyang talumpati matapos pangunahan ang regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, nagbigay ng direktiba ang alkalde sa mga punong barangay na paigtingin ang pagpapatupad at pagsunod sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod lalu na ang paglaban sa illegal parking at mga obstruksyon upang mas mabilis na makaresponde ang emergency vehicles sa anumang sakuna o kalamidad, lalo pa ngayong nalalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon.

“Bilang ama ng ating lungsod at kayo naman bilang mga ama at ina ng inyong barangay, kasama po sa trabaho natin ang pagdidisiplina sa ating mga kababayan. Dahil kung takot ka na magalit sayo ang tao at takot kang mawalan ng boto, wala kang karapatang mamuno,” pagdidiin ni Mayor Along.

Iginiit ng alkalde na ang pagsunod sa mga ordinansa laban sa obstruction ay para rin sa kapakanan at kaligtasan ng bawat isa.

“Kung ang gagawin naman natin ay para sa ikabubuti ng lahat, tiyak ko mas marami ang matutuwa kesa sa magagalit. Para po ito sa kaligatasan ng bawat isa, kaya naman inaasahan ko po ang partisipasyon ninyo,” dagdag pa ng alkalde.

Kasama ng alkalde sa pagpupugay sa watawat ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan, mga pinuno ng Barangay 5 hanggang 13, at mga residente ng Barangay 10. (Edison de Jesus)

Share.