Nagpasya nang magretiro ang dating NBA Most Valuable Player na si Russell Westbrook, na kinikilalang triple-double king ng liga, matapos ang 18 taong career.
Sa kanyang Instagram account, naglabas ng farewell video ang 37-anyos na point guard, na isa sa all-time great point guards ng NBA.
Kalakip nito ang caption na: “Sometimes you don’t even know when you’ve already watched the end. You had to be there. And now it’s over.”
Hindi nagsalita si Westbrook sa video. Sa halip, makikita siyang tinitingnan ang ilan sa kanyang memorabilia at pinapanood ang ilan sa kanyang career highlights.
Maririnig naman sa narration ang boses ng aktor na si Michael B. Jordan.
“Now that you decided to step away from everything, on your own terms, what are you most proud of?” pagtatapos niya sa video.
Isa si Westbrook sa pinakakilalang manlalaro ng NBA. Siyam na beses siyang napabilang sa NBA All-Star at naging Olympic gold medalist din. Dalawang beses din niyang pinangunahan ang liga sa scoring.
Sa unang 11 seasons ng kanyang career, naging parte siya ng Oklahoma City Thunder, kung saan nakasama niya ang mga NBA star ding sina Kevin Durant at James Harden.
Nagtulong ang trio sa Thunder na magkampeon sa Western Conference noong 2012 ngunit nabigo sila sa Miami Heat sa NBA Finals.
Taong 2017, nakuha naman ni Westbrook ang kanyang una at nag-iisang MVP award.
Sa parehong taon, nilampasan din niya ang matagal nang record ni Oscar Robertson para sa may pinakamaraming triple-double sa isang regular season.
Nagtala siya ng triple-double sa 42 laro at nahigitan ang rekord ni Robertson na 41 mula pa noong 1961-62 season.
Sa kabuuan ng kanyang career, hawak ni Westbrook ang NBA record para sa may pinakamaraming triple-doubles na 209 habang 182 naman si Robertson.
Isa rin si Westbrook sa tatlong manlalaro sa kasaysayan ng NBA — kasama sina Robertson at Denver Nuggets star Nikola Jokic — na nakapagtala ng average na triple-double sa isang buong season. Apat na beses itong nagawa ni Westbrook.
Bukod sa Oklahoma City, naglaro rin siya sa Houston Rockets, Washington Wizards, Los Angeles Lakers, LA Clippers at Denver Nuggets.
Noong nakaraang season, pumirma siya ng isang taong kontrata sa Sacramento Kings.
====
Trending
- Los Angeles Lakers ibebenta muli sa rekord na $12.5B
- Russell Westbrook, triple-double king ng NBA, nagretiro na
- Kathryn, binarag sa bakasyon nila ni Mark
- Max Collins, ‘di bet magpatali
- Heart, aminadong nawasak sa ex; Netizens, may hula kung sino!
- Bangkay isinilid sa sako natagpuan sa Laguna
- Anak ng Iloilo mayor kabilang sa FBI Most Wanted Fraudsters
- Alice Guo may panibagong warrant of arrest sa kasong graft
