Panibagong warrant of arrest ang inilabas laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay ng tatlong bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Batay sa warrant mula sa Pasig Regional Trial Court Branch 67, kasama sa kaso ang 11 iba pang akusado, kung saan P90,000 ang piyansa sa bawat bilang ng kaso.

Matatandaan na kasalukuyang nakakulong si Guo sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

Ito ay matapos siyang hatulan ng life imprisonment ng Pasig court dahil sa qualified human trafficking, at inatasan ding magbayad ng P2 milyon na multa.

Iniutos din ng korte ang pagkumpiska sa P6 bilyong Baofu compound pabor sa gobyerno at permanenteng pagbawi sa registration ng Baofu Land Development Inc., Hongsheng Gaming Technology Inc., at Zun Yuan Technology Inc.

====

Share.
Exit mobile version