INARESTO ng Navotas pulis ang 23-anyos na kelot nang makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang pagsalakay sa kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant sa Navotas City.

Sa ulat ns nakarating kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Timoy”, residente ng lungsod.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na ilegal umanong nag-iingat ng baril ang suspek kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.

Nang maglabas ng search warrant ang Navotas Regional Trial Court (RTC), Branch 288, kaagad sinalakay ng pinagsamang mga operatiba ng Navotas CPS Intelligence Section, at SWAT Team ang bahay ng suspek.

Dakong ala-1:25 ng hapon nang halughugin ng mga pulis sa bisa ng nasabing search warrant ang loob ng bahay ng suspek sa Brgy., NBBS Proper kung saan nasamsam nila ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Nang wala siyang naipakitang kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay inaresto siya ng mga pulis.

Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.(Roger Panizal)

 

Share.