INIUTOS ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang paglilipat sa mga pulis na inakusahang sangkot sa tangkang panghuhuli sa 24-anyos na binata na bibili lang ng ulam noong Martes ng gabi sa Taguig City.
Habang isinasagawa ang malalimang imbestigasyon ililipat sa Personnel Holding and Accounting Unit mula sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Police Sub-Station 9.
Nagresponde umano ang mga pulis sa ulat ng opisyal ng barangay na may nangyayaring ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga sa panulukan ng Ilang-Ilang at Batangas Streets, Barangay New Lower Bicutan sinita nila ang biktima dahil sa umano’y pag-iingat ng marijuana.
Pinosasan ang biktimang mga pulis kung saan pumalag ito na nakatawag-pansin sa kaanak at kapitbahay na kumuha ng video sa nangyaring komosyon.
Sa magkaka-ibang bersiyon ng mga pulis at kabilang panig, inatasan ni BGen. Pastor ang masusing imbestigasyon upang malaman ang tunay na pangyayari nang ihayag ng ama ng binata na puwersahan umanong kinuha ng mga pulis ang cellphone at wallet ng biktima na kalaunan ay ibinalik nang malamang nakuhanan ng video ng mga residente ang pangyayari.
Sinabi pa ng ama ng binata, nakiusap umano ang mga pulis na burahin na lang ang kuha matapos na pawalan din ang biktima.
Sinasabing nakahanda naman umano ang mga magulang ng binata na maghain ng reklamo sa National Police Commission (Napolcom) laban sa mga pulis. (Gina Garcia)

