Ang dating senador at alamat ng boksing na si Manny Pacquiao ay hindi sasali sa National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Si Pacquiao, na kamakailan lamang ay itinalaga bilang lead convenor at kalihim ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), ay nilinaw na tinanggihan na niya ang pagkakahalal bilang vice president para sa Mindanao ng chess federation noong nakaraang buwan.
Bagama’t nagpapasalamat siya sa tiwala at kumpiyansa ng mga miyembro ng NCFP matapos siyang mahalal nang hindi naroroon, sinabi ni Pacquiao na hindi siya sumasang-ayon sa direksyong tinatahak ng lokal na chess federation.
“Mahal natin ang sports, mahal natin ang kapwa ko mga atleta kaya naman laging nakahanda ako na gawin ang aking makakaya para makatulong,” ani Pacquiao.
Ang 47-anyos na boxing icon mula Sarangani, na itinuturing ang chess bilang isa sa kanyang paboritong sports, ay binanggit ang mga reklamo mula sa iba’t ibang indibidwal at chess clubs sa buong bansa hinggil sa umano’y mismanagement ng ilang opisyal, na nakaaapekto nang malaki sa laro.
Tinukoy din ni Pacquiao ang katatapos na 2026 Manny Pacquiao International Chess Championships sa General Santos City, na dinayo ng malalakas na manlalaro mula Asya at Europa. Hindi ito kinilala ng NCFP kahit nagbayad siya ng kaukulang sanctioning fee na direktang idineposito sa bangko ng NCFP.
Kung kinilala sana, nagkaroon ng pagkakataon ang mga lokal na manlalaro gaya ni Gian Carlo Arca na makakuha ng norms at tournament ratings mula sa FIDE (world chess organization). Ipinamahagi pa sa media ang kopya ng resibo ng deposito sa bangko ng NCFP.
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng NCFP, sa pamumuno ni Prospero Pichay, at ng Philippine Chess Association (PCA) ni Pacquiao matapos hindi tanggapin ng executive na si Orly Ortega ang mga kundisyon ng matagal nang pinuno ng NCFP.
Nabulsa ng NCFP ang sanctioning fee at hindi ibinalik sa PCA.
Inamin ni Pacquiao na nakipagpulong siya sa maraming opisyal at manlalaro ng chess sa buong bansa at narinig ang kanilang mga hinaing.
Ipinangako niyang tutulong upang makahanap ng win-win solution sa matagal nang problema ng lokal na chess at mangunguna sa pagbibigay ng positibong pagbabago sa pamunuan ng chess body.\
