Nasawi ang 60-anyos na lalaki nang pagsasaksakin sa loob ng isang KTV bar sa Barangay 78 sa Caloocan, Martes ng madaling araw.
Kinilala ng mga kaanak ang biktima na si Nestor Nocum Jr., isang contractor engineer at dating barangay kagawad.
Kuwento ng kaanak ni Nocum, isa sa hobby ng biktima ang kumanta, kaya dumadarayo ito pagminsan sa mga KTV bar.
“Bilang isang former kagawad, napakabait na tao. Nilalapitan ng mga ka-barangay, friendly, masayahing tao. Hobby niya ang pagkanta, napasimpleng tao lang niya at napakamatulungin,” sabi ng kanyang kaanak na tumangging magpakilala.
Ayon sa paunang ulat ni Police Lt. Mark Peña, officer-in-charge ng Caloocan Sub Station 3, nasa isang KTV Bar si Nocum at kumakanta habang kausap ang isa sa mga waitress sa bar.
Kalaunan, pumunta sa nasabing bar ang lalaking suspek, na siyang live-in partner ng waitress.
“Bale ang nangyari, noong si suspect ay pumunta sa bar, nakita niya ang kanyang live-in partner, na nagtatrabaho sa bar mismo na pinag-i-inuman ng ating victim at nakita niyang nakisabay kumanta habang nag-iinom yung kanyang live-in partner,” sabi ni Peña.
Doon lumapit ang suspek at sinuntok ang waitress. Kalaunan ay bumunot ng kutsilyo ang suspek at inundayan ng saksak ang dating kagawad, bago nagmadaling umalis sa lugar.
“Hinabol ko siya… hanggang sa may food house lang ako. Hindi ko na nakita yung pagsakay niya ng jeep,” kwento ng isa sa mga empleyado ng bar na tumanggi ring magpakilala.
Tumulong ang iba pang tauhan ng bar at isinugod sa ospital ang biktima, ngunit binawian rin siya ng buhay dahil sa walong saksak sa iba’t- ibang bahagi ng kanyang katawan.
Na-recover naman ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang kutsilyo na ginamit ng suspect sa pananaksak.
“Nakikita po naming motibo ng kapulisan is dahil sa selos dahil naabutan niya yung ka live-in partner niya na waitress sa bar ay allegedly ine-entertain ang victim at sumasabay sa pagkanta,” sabi ni Peña.
“Ang status ng investigation natin is continuous. May identifiation naman tayo ng suspect at tinutukoy nalang po namin ang location niya,” dagdag niya.’
Sa ngayon, hindi na pumapasok sa bar ang waitress at nakikipagugnayan umano sa mga pulis para mapabilis ang imbestigasyon.
Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak lalo na’t isa anilang mapagmahal at mabait na tao ang biktima.
“Siyempre hindi makatarungan yung nangyari. Parang hayop yung pagkagawa sa kanya. Pinatay siya. Nasa senior na po kasi siya. Senior na po siya hindi na siya makakatayo pa para makaganti,” sabi ng kaanak.
Share.
Exit mobile version