Ipinaalala ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga shipowner at licensed manning agency na dapat igalang ang karapatan ng mga Pilipinong seafarer na tumangging pumalaot sa mga mapanganib o high-risk maritime area, kabilang na ang Strait of Hormuz.

Sa isang advisory, binigyang-diin ng DMW ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga marinong Pilipino sa gitna ng tumataas na banta sa seguridad sa karagatan.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kailangang unahin ng mga kompanya ng barko ang kaligtasan ng mga manggagawa at ilayo sila sa anumang panganib.

Binigyang-diin niya na dapat igalang ng mga may-ari ng barko ang desisyon ng mga marino na huwag maglayag sa mga lugar kung saan maaaring nasa panganib ang kanilang kaligtasan.

“We are disallowing deployment to the extent that a seafarer exercises the right to refuse to sail. That right must be respected,” pahayag ni Cacdac.

Pinaalalahanan din ng kagawaran ang mga kompanya na sumunod sa mga requirement gaya ng pagsasagawa ng risk assessment, pagpapatupad ng tamang security measures, pagkuha ng vessel escort kung kinakailangan at pagbibigay ng mga kinakailangang report bago dumaan sa mga lugar na may hidwaan.

Dagdag pa ng kalihim, susuriin ng DMW kung ang mga safeguard na ito ay wastong nasunod bilang bahagi ng imbestigasyon nito sa kamakailang insidente sa karagatan na kinasasangkutan ng M/V SIDR, kung saan dalawang Pilipinong marino ang nasawi. 

 

Share.
Exit mobile version