Sinabi ng Department of Health o DOH nitong Biyernes, Setyembre 4, na mahigpit nitong mino-monitor ang pitong rehiyon matapos ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa loob ng 13 araw.
Anim pang lugar ang lumagpas sa epidemic threshold nang dalawang beses sa nakalipas na apat na linggo, ayon sa datos.
Sa isang video message, sinabi ni DOH Undersecretary Gloria Balboa na ang mga rehiyong mino-monitor dahil sa pagtaas ng kaso kumpara noong nakaraang taon ay ang Soccsksargen, Central Visayas, Western Visayas, Cordillera Administrative Region, Negros Island Region, Bicol Region at Cagayan Valley.
Samantala, naka-focus naman ang matinding monitoring sa National Capital Region o NCR, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Northern Mindanao at Davao Region.
Ayon sa datos, umabot na sa 6,253 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa ngayong taon, 12 porsiyentong mas mababa kumpara sa 7,084 kaso noong parehong panahon noong 2025.
Pero tumaas ng 77 porsiyento ang kaso mula Agosto 2 hanggang 15 na may 824 kaso, kumpara sa 465 kaso mula Hulyo 19 hanggang Agosto 1.
Nitong Setyembre 3, alas-6 ng gabi, umabot sa 602 ang kabuuang bed capacity para sa leptospirosis sa 20 DOH hospital sa Metro Manila, kabilang ang 260 na dagdag na surge beds.
Sa bilang na ito, 562 na kama ang kasalukuyang ginagamit.
Nagpapatuloy ang active referrals at paglilipat ng mga pasyente upang idirekta ang mga nangangailangan ng dialysis at mas mataas na antas ng gamutan sa mga ospital na may bakanteng puwesto.
Para tugunan ang pangangailangan sa prophylaxis, nagdag ang mga regional health office ng 1.2 milyong kapsula ng doxycycline sa mga apektadong lugar.
May karagdagang 2.6 milyong kapsula pa ang nakaimbak sa mga Centers for Health Development, kasama ang 40,812 kapsula sa mga DOH-retained hospital at medical center sa Metro Manila.
Samantala, iniulat din ni Balboa ang pangkalahatang pagbaba ng mga kaso ng water-borne diseases, influenza-like illnesses, at dengue sa bansa sa unang walong buwan ng 2026, kahit may mga localized spikes na naitala sa mga nakaraang linggo.
Bumaba ng 32 porsiyento ang kaso ng acute bloody diarrhea sa 6,456 kumpara sa 9,520 noong parehong panahon noong nakaraang taon.
Tumaas naman ito ng 15 porsiyento mula Agosto 2 hanggang 15 na may 411 kaso, kumpara sa 358 kaso mula Hulyo 19 hanggang Agosto 1.
Bumaba ng 67 porsiyento ang kaso ng cholera ngayong taon, na may 428 kaso kumpara sa mahigit 1,283 noong 2025. Pero tumaas ng 40 porsiyento ang kaso ng cholera sa buong bansa mula Agosto 2 hanggang 15 na may 28 kaso, kumpara sa 20 kaso sa nakaraang dalawang linggo.
Bumaba rin ng 41 porsiyento ang kaso ng typhoid fever sa 10,708 mula 18,014 noong 2025.
Sa pinakahuling bi-weekly data, bumaba ito ng 20 porsiyento na may 590 kaso mula Agosto 2 hanggang 15, kumpara sa 740 mula Hulyo 19 hanggang Agosto 1.
Itinutok ng DOH ang pagtaas ng trend ng kaso sa Bicol Region, Davao Region at NCR kumpara noong nakaraang taon.
Umabot naman sa 86,113 ang kaso ng influenza-like illnesses, 22 porsiyentong mas mababa kumpara sa 110,978 noong parehong panahon noong nakaraang taon. Sa bi-weekly figures, tumaas ito ng 7 porsiyento sa 5,847 kaso mula Agosto 2 hanggang 15, mula sa 5,450 kaso sa nakaraang 13 araw.
Nasa mahigpit na monitoring pa rin ang Western Visayas, Mimaropa, Central Visayas, at Northern Mindanao dahil sa pagtaas ng kaso kumpara noong nakaraang taon.
Umabot sa 128,634 ang kaso ng dengue, 39 porsiyentong mas mababa kumpara sa 209,631 kaso noong parehong panahon noong 2025.
Sa pinakahuling monitoring, tumaas ito ng 9 porsiyento mula Agosto 2 hanggang 15 na may 15,763 kaso, kumpara sa 14,409 kaso mula Hulyo 19 hanggang Agosto 1.
====

Share.
Exit mobile version