LUBOS ang pasasalamat ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mga opisyal at tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa kanilang patuloy na pagbabantay, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

Isiniwalat ng alkalde ang taos-puso niyang pasasalamat nang magtalumpati sa harap ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila makaraang ang ginanap na flag raising ceremony Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan, kung saan ang pamunuan ng MPD ang nanguna at naging punong-abala sa programa.

Binigyang diin ng alkalde ang mabilis na pagtugon ng mga kapulisan sa mga hinaing, reklamo, at sumbong ng mamamayan kaya hindi nagtatagal ay nasasawata ang mga gumagawa ng kaguluhan sa Maynila.

Pinaalalahanan din ni Mayor Domagoso sa mga nagbabalak gumawa ng anumang krimen na hindi ito palalampasin ng kanyang administrasyon at patuloy na sisikapin na makamit ang hustisya, gaano man katagal ang lumipas mula nang mangyari ang krimen.

“Sa mga nanonood na tolongges — magbago na kayo. mag-isip-isip kayo, nariyan ang MPD. Kapag gumawa ka ng krimen sa Maynila, hahanapin ka at pananagutin. Obligasyon namin ‘yan sa ating mga mamamayan na maging payapa, maayos at ligtas para sa lahat.” babala ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

Pinasalamatan din ng alkalde ang lahat ng tanggapang naging bahagi ng matagumpay na pagdaraos ng 49th ASEAN Summit 2026, partikular ang Department of Tourism, Culture and Arts of Manila, sa pangangasiwa ni Director Cristal Bagatsing, kasama ang iba pang mga departamentong nagtulong-tulong upang maging maayos at matagumpay ang programa. (Edison de Jesus)

 

Share.