INIHAYAG ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na tugma ang address ng ni-raid na mga bahay ni dating House Speaker Lord Allan Velasco at maybahay na si Rowena, sa tinukoy ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso na binili para pagtaguan ng milyun-milyong pera.
Ayon kay Matibag, Agosto 24,2026 ng mangyari ang raid sa Valle Verde Subdivision,sa Pasig City ilang linggo bago pa ang paglantad ni Gracioso, gamit ang search warrants kaugnay sa intelligence information na maraming iligal na matataas na kalibre ng baril.
“We applied for a search warrant. We searched for it, and it turned out that the houses named after other personalities were actually owned by the former speaker and Ms. Rowena. Based on their admission also when the search warrant was enforced,”ani Matibag.
Bagama’t wala namang nakitang baril o armadong tao sa loob, ang nakumpiska umano ay mga magazine at bala.
Sinabi ni NBI director na hindi nila alam na pag-aari pala nina Velasco at ng asawa niya ang mga ari-arian dahil mga empleyado nila at isang kumpanya ang nakapangalang may-ari ng mga bahay, bagamat hindi binanggit kung ilang bahay ang tinutukoy.
Umalis patungong Japan ang mag-asawang Velasco ilang araw matapos ang raid. Dapat sana ay babalik sila noong Setyembre 14 pero wala pa umanong record na nakabalik na sila sa bansa.
Kasalukuyang nasa gitna ng kontrobersya si Velasco dahil sa alegasyon ng dati niyang security detail, isang dating pulis, na nagsabing kasama siya sa mga naghatid ng milyun-milyong pera sa ilang miyembro ng pamilya Duterte.
Pinabulaanan na ng kampo ni Velasco ang alegasyon, gayundin si Vice President Sara Duterte na nagpahayag na hindi niya kakilala si Gracioso.(Gina Garcia)

