Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang isa sa mga suspek sa malagim na pananakit na ikinamatay ng isang biktima sa San Andres Bukid, Manila.
Ayon sa MPD, nangyari ang insidente noong May 13 sa Barangay 765, kung saan isang lalaki ang binugbog at tinamaan sa ulo gamit ang baseball bat, batay sa viral CCTV footage.
Sa follow-up operation sa ilalim ni Brig. Gen. Arnold C. Santiago, natunton at naaresto ang isa sa mga pangunahing suspek na kinilala lamang sa alyas na “CM,” 24 taong gulang at residente ng Barangay 767, Sta. Ana, Manila.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa Manila City Prosecutor’s Office.
“The Manila Police District remains steadfast in its pursuit of justice. We are deeply saddened by the loss of life in this brutal attack, and we assure the public and the victim’s family that those responsible will face the full force of the law,” ayon kay Santiago.
Patuloy naman ang operasyon ng pulisya para mahuli ang iba pang sangkot at nakatakda ring magsampa ng kasong murder laban sa lahat ng responsable.
Hinihikayat ng MPD ang publiko na makipagtulungan at magsumbong ng impormasyon upang matunton ang mga nakatakas na suspek.

Share.