Iginiit ni Senator Bam Aquino ang pagsususpinde o pagbabawas ng value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo para mabigyan ng agarang ginhawa ang mga Pilipinong apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.
Sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee noong Huwebes, sinabi ni Aquino na pinag-aaralan ng mga senador ang pagpasa ng panukalang magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin o ibaba ang VAT sa mga produktong petrolyo.
“We are looking at a follow-up measure na hindi lang tungkol sa excise tax, but powers for the president to suspend or lower VAT for petroleum products. Napag-usapan po ito kasi mas malaki ang pwedeng maging bawas nito kaysa sa excise tax,” wika ni Aquino .
Sumang-ayon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang kumpanya ng langis sa posisyon ni Aquino, na nagsabing ang pagtanggal ng 12 porsiyentong VAT sa mga produktong petrolyo ay magbibigay ng mas malaki at mas mabilis na ginhawa sa mga consumer dahil mas madali para sa kanila na magpatupad ng bawas-presyo.
“It’s easier for us to implement reduced prices when VAT is removed. If you don’t have the VAT, it’s not part of your cost anymore,” paliwanag ni Tanya Samillano, kinatawan ng maliliit na oil players.
Hinimok ni Aquino ang Department of Finance (DOF) na tumulong sa pagkukuwenta ng posibleng benepisyo sa mga konsyumer mula sa pagtanggal ng VAT, na aniya ay maaaring isa pang paraan upang matulungan ang ating mga kababayan na makayanan ang mataas na presyo ng langis.
Aniya, handa ang Senado na kumilos agad sa ganitong mga reporma kung irerekomenda ng mga economic manager, at binigyang-diin na naaprubahan sa rekord na bilis ang panukalang pagsususpinde ng excise tax sa fuel.
Tumayo si Aquino bilang co-author at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Kung gagamitin ng Pangulo, maaaring magpababa ang panukala ng presyo ng gasolina at diesel ng P10 at P6 kada litro, ayon sa pagkakasunod. Maaari rin nitong pababain ang presyo ng liquefied petroleum gas ng P3 kada kilo at kerosene ng P5 kada litro.
Trending
- Dodgers inilunsad ang 3-peat bid
- Bella Belen di na makakatanggap ng MVP award
- Enrique Gil may nabuntis?
- James Reid, Issa Pressman malapit na ikasal?
- Kween Yasmin nakunan!
- Angeline Quinto makaka-graduate na
- Maine Mendoza absent sa party ng mga Atayde?
- PNP, nagbabala sa mga magtatampisaw sa tubig ngayong tag-init
