Habang tumitindi ang tensyon sa Gulf region, dumarami naman ang tropa ng Amerika sa Pilipinas.
Ito ang nabatid kay dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate matapos matuklasan na nag-deploy ang Estados Uniods ng kanilang tropa sa Cagayan de Oro partikular na sa Lumbia Air Base na kasama sa 9 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Pilipinas.
Ayon sa dating mambabatas, hindi maitatago sa humanitarian drills ang dumaraming tropa ng Amerika sa Pilipinas na pinapayagan umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr.
Maliban sa tropa ng Amerika sa Cagayan de Oro City ay dumating din aniya ang isang US Navy ship sa Macabalan Port, na 14 kilometro lamang aniya ang layo sa EDCA site ng sa nasabing lungsod.
“The growing presence of US troops undermines Philippine sovereignty and deepens the militarization of our country, particularly in Mindanao,” ani Zarate.
“Habang dumadami ang tropang Amerikano sa ating bansa, lalo namang nalalagay sa panganib ang ating pambansang soberanya. Sa ilalim ng EDCA at Visiting Forces Agreement, ginagawang base militar ang Pilipinas para sa estratehiya ng Estados Unidos sa Asya,” dagdag pa ng dating mambabataas.
Dahil dito sa presensya ng tropa ng Amerika sa Mindanao muling nagbabalik aniya sa alalala ng mga Mindanaoans ang epekto ng pangingialam ng Amerika sa bansa tulad Bud Dajo massacre noong 1906.
“Hindi nakakalimutan ng mamamayan ng Mindanao ang madugong kasaysayan ng presensya ng militar ng Estados Unidos sa ating lupain—mula sa Bud Dajo massacre noong 1906 hanggang sa patuloy na militarisasyon sa rehiyon,” ani Zarate.
Noong 2017, nakialam din aniya ang US Forces sa Marawi Siege sa pamamagitan ng pagbibigay ng intelligence na naging dahilan ng pagkamatay ng isang libong katao at pagkawasak ng komunidad.
“Hindi dapat gawing palusot ang mga sakuna upang gawing normal ang presensya ng tropang Amerikano sa bansa. Ang ‘humanitarian assistance’ ay ginagamit upang palawakin ang presensya ng militar ng Estados Unidos sa Pilipinas,” ayon pa kay Zarate.
Lalong nangangamba ang dating mambabatas dahil sa lumalalang “geopolitical conflicts” na posibleng maglagay sa alanganin sa seguridad sa Pilipinas dahil sa presensya at pagdami ng tropa ng Amerika sa bansa.
“Sa ilalim ng Marcos Jr. administration, ginagawang entablado ng tunggalian ng malalaking kapangyarihan ang Pilipinas. Sa halip na protektahan ang kapakanan ng mamamayan, inilalagay tayo sa gitna ng tensyong militar sa rehiyon,” dagdag pa ni Zarate.

Share.
Exit mobile version