Naaresto ng mga awtoridad ang isang matandang lalaki na nagbebenta ng droga kasunod ng drug entrapment operation ng mga awtoridad sa Barangay Sapang Biabas, Mabalacat City, Pampanga kamakalawa ng hapon.

Nakumpiska sa ikinasang operasyon ang nasa Php 68,000.00 halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu.

Kinilala ng PDEA team leader ang naarestong suspek na si alyas “Lolo Nilo,” 60-anyos, na residente ng Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga.

Nakumpiska kay “Lolo Nilo” ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu (na nagkakahalaga ng P68,000), isang cellular phone, at ang buy-bust money.

Pansamantalang nakakulong ang nahuling suspek sa PDEA-3 detention facility sa City of San Fernando, Pampanga.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga pinagsanib na operatiba mula sa mga tanggapan ng PDEA sa Tarlac at Pampanga at ng Mabalacat City Police Station.

Isang kasong hindi maaaring piyansahan sa ilalim ng seksyon 5 (pagbebenta ng mga mapanganib na droga) ng Republic Act 9165 ang inihahanda na sa suspek para sa pagsasampa sa korte.(Danilo Gravador)

 

Share.
Exit mobile version