Nadakip ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City Police ang isang tinaguriang Top 9 Most Wanted Person (MWP) ng kanilang istasyon noong Miyerkules ng hapon, Mayo 28.
Kinilala ang suspek na si alyas John, 33 anyos, isang delivery rider, ayon sa ulat ni Pasay City Police Chief P/Col. Joselito De Sesto sa Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles.
Ayon kay De Sesto, isinagawa ang pag-aresto sa kahabaan ng F.B. Harrison Street, Pasay City, bandang alas-2:30 ng hapon bilang bahagi ng isang manhunt operation o “oplan galugad” ng mga tauhan ng WSS.
Ang pag-aresto ay isinagawa batay sa warrant of arrest na inisyu noong Disyembre 1, 2023 ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 110, na pinangungunahan ni Presiding Judge Petronilo Sulla, Jr.
Si alyas John ay nahaharap sa kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may Criminal Case No. R-PSY-17-15323-CR.
Matapos ang pag-aresto, dinala agad si alyas John sa custodial facility ng Pasay City Police habang hinihintay ang commitment order mula sa korte para sa kanyang paglilipat sa Pasay City Jail.

Share.
Exit mobile version