Tapos na ang paghahari ng Oklahoma City Thunder. Sa pangunguna ng naglalakihang laro ni Victor Wembanyama, siniguro ng San Antonio Spurs ang kanilang upuan sa NBA Finals.
Ito’y matapos talunin ng Spurs ang Thunder sa sarili nitong bakuran, 111-103, sa kapana-panabik na Game 7 ng Western Conference Finals nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas).
Haharapin ng Spurs ang New York Knicks sa seryeng magsisimula sa Miyerkoles (Huwebes sa Pilipinas) na gaganapin sa San Antonio.
Ito ang unang pagbabalik ng Spurs sa NBA Finals mula noong 2014, kung kailan nasungkit nila ang ikalimang kampeonato ng prangkisa.
Dahil sa pag-abante ng Spurs at Knicks, garantisadong magkakaroon ang liga ng ikawalong magkaibang kampeon sa nakalipas na walong taon.
Ang pagka-eliminate ng Thunder ay nangangahulugan din na ang 2017-18 Golden State Warriors pa rin ang huling koponan na nakapagtala ng back-to-back titles sa NBA.
Kumana si Wembanyama ng 22 puntos at pitong rebounds para pamunuan ang Spurs.
Malaking suporta rin ang ibinigay ni Julian Champagnie na nagpakawala ng 20 puntos — kabilang ang 11 puntos sa 3rd quarter — mula sa mainit na 6-of-10 shooting sa 3-point line.
Naging kritikal ang huling bahagi ng laro nang mapilitang maupo si Wembanyama sa bench may pitong minuto na lang ang natitira sa laro matapos makuha ang kanyang ikalimang foul habang abante ang Spurs, 97-91.
Dito lumutang ang bagsik ng mga role player ng San Antonio.
Matapos agawin ni Isaiah Hartenstein ang bola para sa isang mabilis na dunk sana ng Thunder, hinarang ng kapalit ni Wembanyama na si Luke Kornet ang tira nito.
Nakuha ni Dylan Harper ang rebound na nagresulta sa mabilis na puntos ni Stephon Castle sa kabilang dulo.
Pagkatapos ng turnover ng Oklahoma City, muling nagpalit sina Wembanyama at Kornet na sinalubong ng mainit na palakpakan sa bench.
Sinundan pa ito ng ikaanim na tres ni Champagnie para iangat ang abante ng Spurs sa 11 puntos.
Bagama’t nakalapit ang Thunder sa anim na puntos, 2:02 ang natitira, naging matatag ang depensa ng Spurs sa huling sandali upang selyuhan ang panalo.
Nasayang naman ang naging halimaw na laro ng League MVP na si Shai Gilgeous-Alexander na nagtala ng 35 puntos, siyam na assists at tatlong steals para sa Thunder.
Trending
- SEN. JINGGOY SUMUKO SA PNP-CIDG
- PNVF sususpindehin ng POC
- Spurs pinatalsik Oklahoma, pasok sa NBA Finals
- Ashley, nilaglag ang relsyong Kathryn-Mark
- Ken, may trabaho sa Thailand?
- Kiray, may pa-contest sa gender ng baby
- International scholarships para sa guro palalawigin ng DepEd
- Negosasyon sa ASEAN digital economy framework agreement, natapos na
