Iminungkahi ni Sen. Robin Padilla ang pag-amyenda sa Republic Act No. 8479 o Oil Deregulation Law bilang solusyon sa kinakaharap na krisis sa langis.
Sa isang Facebook post ni Sen. Robin nitong Sabado, Abril 5, sinabi niyang bagama’t karapat-dapat ipagpasalamat sa administrasyon ang patuloy na pagdating ng langis sa bansa dahil sa pagpapairal ng diplomasya, hindi umano nito ganap na mapapababa ang presyo ng nasabing produkto.
“Kapag bumaba ang presyo ng langis, bababa rin ang presyo ng lahat ng nakaugnay na pangangailangan ng taumbayan,” saad ni Sen. Robin.
Dagdag pa niya, “Kailangan ibalik sa gobyerno ang kontrol sa presyo ng langis! Ito ang hingin niyo mga kababayan na gawin namin ngayon na.”
Katwiran ng senador, nagiging ugat pa umano ng korupsiyon ang pagpapamudmod ng ayuda.
“Ang mainam ay kung ano man ang inilalaan diyan para sa mga ayuda ay magsilbi na lamang itong pangbayad ng gobyerno direkta sa mga oil oligarch,” dugtong pa niya.
Matatandaang noong Marso ay inihain ni Senate President Tito Sotto ang Senate Bill No. 1984 na naglalayong ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law.
====

Share.