Nahulog sa kamay ng mga otoridad ang 50 anyos na seaman na wanted sa kasong rape sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City.
Sa ulat na tinangap ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig hinggil sa kinaroroonan ng akusado na si alyas “Ramon ”, seaman.
Kaagad ikinasa ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 ang pagtugis sa akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Malabon CPS.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 169, Malabon City para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa, inaresto ng mga tauhan ni Col. Umipig ang akusado nang makorner sa Barangay Tinajeros.
Matapos nito, dinala ang akusado sa pagamutan para sa medical examination bago tinurnover sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS kung saan siya pansamantalang ipiniit habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Roger Panizal)

