(TINANGAP ni Ortigas Land President Junie Jalandoni ang raketa mula kay world No. 2 men’s doubles star Gabriel “Gabe” Tardio, makaraang ganapin Asia tour sa Opus Mall ni Gabe sa Estancia (Photo ni REY NILLAMA)

UMARANGKADA ang EliteX Era: Gabe Tardio Asia Tour sa Opus Mall sa Estancia sa Pasig City, na naghatid ng world-class na pickleball experience para sa mga lokal na manlalaro at tagahanga.

Tampok sa Philippine leg ng tour ang world No. 2 men’s doubles star na si Gabriel “Gabe” Tardio, ang ipinanganak sa Bolivia na pickleball phenom na dumayo sa Maynila upang makipagkita at makipag-ugnayan sa mga Pilipinong atleta, tagahanga at mga nangangarap maging propesyonal na manlalaro.

Inihatid sa bansa ng Supreme Legacy Sports–Facolos Philippines, katuwang ang 2XU Philippines at Source Masters, Inc., ang naturang event na nagsanib ng pandaigdigang husay at lokal na pagkahilig sa mabilis na umuusbong na pickleball scene.

Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang “The Signed 10,” kung saan nagkaroon ng eksklusibong meet-and-greet, photo opportunities at personal na pakikisalamuha si Tardio sa mga tagahanga at manlalaro.

Sampung elite Facolos paddles ang nilagdaan mismo ni Tardio, na naging bahagi ng espesyal na karanasan para sa mga dumalo.

Bukod dito, isinulong din ng event ang ugnayan ng sports at performance sa pamamagitan ng 2XU brand-house experience, na nagbigay ng pagkakataon sa mga kalahok na matuklasan ang mga aktibidad, clinic at laro na nakatakda sa TELA Pickleball.

Sa pagtatapos ng tour stop, kapansin-pansin ang lumalawak na interes sa pickleball sa bansa. Higit pa sa pagiging uso, patuloy itong umuusbong bilang isang competitive sport na may koneksyon sa pandaigdigang pickleball community.

Para sa mga lokal na manlalaro at tagahanga, naging espesyal ang pagkakataong makadaupang-palad ang isa sa mga nangungunang manlalaro sa mundo at maranasan nang mas malapitan ang pandaigdigang pickleball scene.(Rey Nillama)

Share.