Iniimbestigahan ngayon ang isang aktibong pulis at Air Force reservist matapos umanong magsilbing “bodyguard” ng isang Chinese fugitive na naaresto sa Makati kaugnay ng telecom fraud.
Ayon kay Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) chief Rendel Ryan Sy, nadakip ang suspek na si Zhang Jinglong, 29, sa isang operasyon sa Barangay Bel-Air nitong Miyerkules ng gabi, katuwang ang pulisya at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sa isinagawang surveillance, natuklasan ng BI na may mga bodyguard ang dayuhan kabilang umano ang isang pulis at isang reservist.
Nahuli sa operasyon ang reservist at isa pang bodyguard, habang wala sa lugar ang sinasabing pulis, ngunit may nakitang uniporme ng PNP sa isa sa mga silid.
Kinumpirma na rin ng BI ang pagkakakilanlan ng pulis at nakipag-ugnayan na sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa imbestigasyon.
“Mahigpit na ipinagbabawal ang tinatawag na ‘moonlighting’, lalo na sa mga aktibong tauhan, at lalong hindi pinapayagan ang pagbibigay-proteksyon sa isang pugante,” ani Sy.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon na si Zhang ay wanted sa China dahil sa telecom fraud at posibleng may koneksyon sa mga ilegal na operasyon na nakatago sa likod ng POGO activities sa Bamban, Tarlac.
Ayon sa BI, ginagamit umano ang ganitong modus kung saan nanghihikayat ng mga biktima—karamihan ay nasa ibang bansa—na mag-invest, gamit pa ang pekeng identidad at larawan.
Kasama ring naaresto ang tatlong kapwa Chinese nationals na walang maipakitang valid na dokumento. Lahat sila ay ililipat sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa habang inaayos ang deportation proceedings.
Nakarekober din ang mga awtoridad ng ilang airsoft guns, habang iniimbestigahan kung may kaukulang lisensya ang mga ito.
Bukod dito, napansin din ang presensya ng mga mamahaling sasakyan, kabilang ang isang Rolls-Royce, na posibleng indikasyon ng patuloy na ilegal na operasyon.
Plano ring makipag-ugnayan ng BI sa Bureau of Customs upang alamin kung legal ang pagpasok ng mga naturang sasakyan sa bansa.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Trending
- US VERSUS IRAN : GROUND INVASION NAMUMURO
- Iwa, binalahura si Pampi
- Sam, nagsalita sa hiwalayan third party
- Megan, nagpaka-fan sa BTS sa Korea
- Peso bagsak sa bagong record low : P60.55 kontra dolyar
- 9-anyos minolestiya ng 61-anyos na kapitbahay
- Pulis at Air Force reservist ‘badigard’ ng puganteng Tsino nasa ‘hot water’
- Robbery group sa So.Metro Mla., timbog sa Taguig
