Kasama na ang mga guro mula sa pampublikong paaralan sa mga prayoridad na magkaroon ng mura subalit de-kalidad na pabahay ng gobyerno.
Ito ang inianunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pampublikong guro sa Western Visayas sa kanyang pagdalo sa mass oath taking ng mga ito para sa kanilang promosyon.
Ayon sa Pangulo, sa pagtutulungan ng Department of Education (DepEd) at Pag-IBIG, kasama na ang mga pampublikong guro sa priority access para makakuha ng slot sa housing program ng gobyerno.
“Sa pakikipagtulungan ng DepEd sa Pag-IBIG Fund, binibigyan na rin ng priority access sa abot-kayang pabahay ang mga guro at DepEd personnel,” anang Pangulo.
Magkakaroon aniya ng housing fair sa buong bansa para mas mapabilis ang aplikasyon, kasama na ang loan counselling at iba pang serbisyo upang magkaroon ng sariling tirahan.
Kinilala ng Pangulo ang hindi matawarang trabaho at sakripisyo ng mga pampublikong guro at tiniyak na tuloy-tuloy ang tulong ng gobyerno upang mapagaan ang kanilang mga trabaho at madagdagan ang kanilang mga benepisyo sa serbisyo.

Share.