Hindi na dapat umasa ang publiko na babalik pa sa P61 kada litro ang presyo ng langis kahit matapos ang sigalot sa Middle East, ayon kay dating Energy secretary Jericho Petilla, na nagsabing posibleng manatiling mataas ang pump prices dahil sa pinsala sa oil infrastructure at sa nagpapatuloy na pandaigdigang kawalang-katiyakan.
Sa isang interbyu, sinabi ni Petilla na “Fearless forecast: There is no more, huwag na kayong umasang babalik pa ng P61 ‘yan.” Dagdag pa niya, “Ang diesel will be P100 or a little over P100, and then gasoline is a little under P100 kapag nag-normalize na lahat dahil maraming infrastructure na nasira sa ating mga refineries at mga oil extraction sa Middle East.”
Ayon kay Petilla, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng mga panlabas na salik, lalo na ng tensiyong geopolitikal, at wala pa umanong malinaw na palatandaan kung kailan ito magtatapos. “There is no clear end in sight,” giit pa ng dating kalihim.
Dahil dito, sinabi niyang kailangang mag-adjust na ang mga pamilya sa konsumo ng fuel at sa kabuuang paggastos.
“It’s a world crisis. Ang pinaka-importante sa lahat is, in any crisis, is to survive. At maraming sakripisyo ang daranasin natin kapag gusto natin mag-survive. But the most important thing is to survive,” aniya pa.
Aniya, maaaring may maibigay na tulong ang pamahalaan sa pamamagitan ng tax suspension at targeted subsidies, ngunit hindi ito sapat upang maibalik sa P61 kada litro ang presyo ng langis.
“There will be help from the government. Pero hindi kayang saluhin ng gobyerno ang pagbigay ng ayuda at ibalik sa P61. At P3 trillion yan, P3 trillion a year ang gagastusin kung ibabalik natin sa P61 habang bumibili tayo ng mahal,” ani Petilla.
“And we cannot simply afford that right now. What we can do is curtail the demand. Demand management tayo ngayon.”
Dumating ang pahayag habang patuloy ang pagsirit ng presyo ng fuel.

Share.