Sa gitna ng naghihiyawang fans at bumubuhos na confetti sa Paycom Center sa Oklahoma City, isang tagpo ng mag-inang may dugong Pilipino ang umagaw sa pansin ng marami matapos masungkit ng San Antonio Spurs ang kanilang upuan sa NBA Finals sa unang pagkakataon mula noong 2014.
Agad na nag-viral sa social media ang yakapan sa gitna ng court sa pagitan ng Spurs rookie guard na si Dylan Harper at ng kanyang ina na si Maria Harper.
Si Maria Harper, na ipinanganak sa Bataan bago lumaki sa Estados Unidos, ang tanyag na Pinay basketball mom sa likod ng NBA players na sina Dylan at Ron Harper Jr.
Bilang isang dating college hooper na naging coach, si Maria mismo ang nagdisiplina sa kanyang mga anak sa kanilang driveway sa New Jersey, kung saan itinanim niya sa kanila ang matinding depensa at ang tanyag na Pinoy grit o pusong palaban.
Matapos ang makasaysayang laro, nang tanungin kung ano ang ibinulong niya sa kanyang anak sa gitna ng kanilang yakapan, hindi napigilan ng proud Filipina mom na maging emosyonal habang inaalala ang mga pinagdaanang hirap ng kanyang anak.
“You go through all your life experiences. Last year was a tough year… it all lines up for this,” pahayag ni Maria sa isang panayam sa mismong court.
Dahil sa gabay at turo ng kanyang Pinay na ina, naging isa si Dylan sa mahahalagang piyesa ng Spurs para sa kanilang matagumpay na playoff run ngayong season.
Naikasa ang tapatang New York Knicks at San Antonio Spurs para sa inaabangang 2026 NBA Finals nang tapusin ng huli ang paghahari ng Oklahoma City Thunder.
Sa pangunguna ni Victor Wembanyama, nilampaso ng Spurs ang Thunder sa sarili nitong bakuran, 111-103, sa kapana-panabik na Game 7 ng Western Conference Finals nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas).
Magsisimula ngayong darating na Miyerkoles (Huwebes sa Pilipinas) ang tapatan ng Spurs at New York Knicks.
Trending
- Ginebra isang panalo na lamang para makapasok sa finals
- Eala may wild card sa Homburg Open
- Richard Gutierrez, Gerald Anderson tumitindi ang hidwaan
- Vice Ganda namigay ng kare-kare sa mga street sweeper
- John Lloyd Cruz ipinaranas sa anak na si Elias ang simpleng pamumuhay
- Libreng board, bar exam sa qualified indigents, inihain
- MRT-7, ‘di mababawasan ng estasyon
- Pinakamahabang araw mararanasan sa Hunyo 21 – PAGASA
