Tinawag na panlilinlang ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang petisyon ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema upang pigilan ang impeachment proceedings laban sa kanya.
“Ang petisyong ito ay nakabatay sa maling paglalahad ng mga aktwal na pangyayari at maling interpretasyon ng Konstitusyon at umiiral na jurisprudence. Ito ay malinaw na panlilinlang ng Pangalawang Pangulo at ng kanyang mga abogado sa Korte Suprema at sa publiko,” sabi ni Ridon sa isang pahayag.
Sinabi ni Ridon na hindi totoo ang sinasabi sa petisyon ni Duterte na hindi ang plenaryo ng Kamara de Representantes ang nag-refer ng impeachment complaints a House Committee on Justice.
“Makikita sa mismong video footage ng plenaryo noong 23 Pebrero 2026, sa oras na 3:48 PM, na ang referral ng apat na impeachment complaints ay isinagawa ng buong Kapulungan, alinsunod sa Section 3(2), Article XI ng Konstitusyon,” sabi ng solon.
“Hindi ito aksyon lamang ng Speaker o ng Committee on Rules. Ito ay aksyon ng plenaryo ng House of Representatives bilang isang kolektibong katawan,” dagdag pa nito.
Iginiit rin ni Ridon na wala sa rule na dapat magkaroon ng delibrasyon bago ang referral ng mga impeachment complaint at wala rin umanong miyembro na tumutol dito na maaari sanang pagsimulan ng deliberasyon.
Ibinasura rin ng mambabatas ang argumento sa petisyon na nilabag ng Kamara ang one-year bar rule.
“Ang One-Year Bar ay umiiral lamang matapos ang isang valid referral ng impeachment complaint. Malinaw sa public record na iisa lamang ang naganap na referral ng mga impeachment complaints sa House Committee on Justice, kahit itinabi ang Castro complaint at nag-withdraw ang Dee complaint,” sabi ng solon.
“Mismong ang kaso ng Duterte vs. House ang nagsasaad na ang proseso ng House Committee on Justice ang magtatakda kung alin sa mga impeachment complaints ang dapat magpatuloy at alin ang dapat mabasura,” paliwanag ni Ridon.
Iginiit ni Ridon na hindi rin totoo na walang due process sa impeachment proceedings ni Duterte.
“Ang kapangyarihan ng Committee on Justice na magsagawa ng pagdinig, mag-isyu ng subpoena, at mangalap ng ebidensya ay malinaw na nakapaloob sa Konstitusyon, sa House Rules on Impeachment, at sa nagdaang kaso ng Duterte vs. House,” sabi ng solon.
“Hindi kinakailangan na kalakip na ang lahat ng ebidensya sa oras ng paghahain ng impeachment complaint. Ang proseso ng pagdinig ay mismong mekanismo upang tuklasin ang katotohanan,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa kabila ng inihaing petisyon, sinabi ni Ridon na magpapatuloy ang impeachment proceedings sa House Committee on Justice.
“Nasa gitna na tayo ng proseso ng pagpapanagot sa Pangalawang Pangulo. Tuloy-tuloy ito hanggang pinakadulo,” dagdag pa ni Ridon. “Tama na ang panlilinlang. Tama na ang pagsisinungaling. Panahon na para harapin ang katotohanan.”

Share.