Nagwakas ang kalbaryo ng isang babae sa kanyang kinakasama nang arestuhin ito ng mga awtoridad sa kanilang tahanan sa Barangay FVR, Norzagaray, Bulacan kamakalawa.
Ayon sa ulat ni PMajor Demosthenes G. Desidirio Jr, OIC ng Norzagaray Municipal Police Station, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag mula sa 911 bandang alas-10:11 ng umaga hinggil sa isang lalaking nagwawala at nagbabanta sa kanyang live-in partner gamit ang baril.
Agad namang rumisponde sa lugar ang mga tauhan ng Norzagaray MPS upang beripikahin ang insidente.
Pagdating ng mga operatiba, nadatnan ang suspek sa labas ng kanilang tirahan habang ang kanyang live-in partner ay nasa loob at umiiyak.
Dito itinuro ng biktima ang isang improvised firearm o “pen gun” na sinasabing ginamit ng suspek sa pagbabanta.
Nang tanungin ay inamin ng suspek na kanya ang naturang baril ngunit hindi siya nakapagpakita ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at kaukulang firearm registration documents.
Dahil dito, inaresto ang suspek at kinumpiska sa kanya ang isang improvised firearm na walang bala.
Napag-alamang madalas na minamaltrato ng suspek ang kanyang live-in partner at laging panakot nito ay babarilin.
Dinala ang suspek at biktima sa Norzagaray Municipal Hospital para sa kaukulang medical assistance, habang ang suspek ay itinurn-over sa Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang legal na aksyon.
Inihahanda ang kaukulang reklamong kriminal laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na isasampa sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan.
Samantala, ang biktima ay isinangguni sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Norzagaray para sa counseling.(DGravador)
