Nagsagawa ang CIDG Regional Field Unit 3 ng dalawang magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na pangangalakal ng mga produktong petrolyo sa Zambales kamakalawa na nagresulta sa pag-aresto ng limang suspek at pagkumpiska ng humigit-kumulang 50,737 litro ng mga produktong petrolyo na nagkakahalagang PhP 4,006,261.10.
Sa ulat na isinumite kay PMGeneral Robert AA Morico II, ang direktor ng CIDG, nakasaad na bandang ala-1:30 ng hapon, ang CIDG Zambales Provincial Field Unit kasama ang Masinloc Municipal Police Station at Provincial Intelligence Team ng Zambales, ay nagsagawa ng buy-bust operation sa isang gasolinahan sa Barangay Inhobol, Masinloc, Zambales.
Ang operasyon ay humantong sa pag-aresto sa tatlong suspek habang nagbebenta ng mga produktong petrolyo nang walang permit o awtoridad mula sa Department of Energy at ang gasolinahan ay natuklasang walang Certificate of Compliance (COC).
Sa nasabing operasyon ay nakumpiska ng mga awtoridad ang nagkakahalagang PhP 2,608,264.60 na mga produktong petrolyo.
Gayundin sa parehong araw, mula alas-2:50 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon, ang CIDG Bataan Provincial Field Unit kasama ang Special Operations Team ng CIDG Regional Field Unit 3, at ang San Narciso Municipal Police Station ay nagsagawa ng buy-bust operation sa isa pang gasolinahan sa Barangay Patrocinio, San Narciso, Zambales.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang naarestong suspek, at pagkumpiska ng 17,488 litro ng ilegal na produktong petrolyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang PhP 1,397,996.50.
Naaktuhan ang mga suspek habang nagbebenta at nangangalakal ng mga produktong petrolyo nang walang permit o awtoridad mula sa Department of Energy.
Binigyang-diin ni PMGeneral Morico II na pinoprotektahan ng estado ang interes ng publiko at pambansang seguridad sa pamamagitan ng pagpapalakas ng regulasyon ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33, ilegal ang pagbebenta o pamamahagi ng mga produktong petrolyo para sa kita nang walang kinakailangang lisensya o awtoridad mula sa mga kinauukulang awtoridad.
Sinabi pa niya na ang Presidential Decree 1865 (Illegal Trading in Petroleum Products) na nag-amyenda sa BP 33 —ay ipinatupad upang tugunan ang mga umuusbong na hindi patas na gawi sa kalakalan at matiyak ang konserbasyon ng enerhiya.
Pinuri ng pamunuan ng CIDG ang CIDG Regional Field Unit 3 sa ilalim ng Regional Chief nito, si PColonel Grant A Gollod, ang CIDG Zambales at Bataan Provincial Field Units sa pangunguna ng mga Provincial Chief nito na sina PMajor Jan Michael F Jardin at PMAJ Chriz Antonio A Cataluña, ayon sa pagkakabanggit, at ang magkasanib na yunit para sa matagumpay na pagsugpo sa ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo sa Zambales. (Bruno Tatlonghari)

Share.
Exit mobile version