Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang laman ng hinihinalang pekeng anti-rabbies vaccine na nadiskubre sa Taguig.
Sinabi ni Atty. Khay Magundayao, FDA spokesperson, na agad rumesponde ang mga awtoridad sa search warrant at niluson ang isang residential area na nag-ooperate nang walang lisensya.
Ani Magundayao, narekober ang ilang anti-rabies vaccines, repackaging materials, maging ang anti-tetanus at hepatitis B vaccines.
“Ang sabi sa atin ng mga accused ay lehitimo naman daw po ang mga kinukuha nilang bakuna… Ang nakakabahala po rito ay hindi ito dumaan sa proper cold chain management.
“Ibig sabihin, wala tayong nakitang medical-grade refrigerator sa loob, kaya medyo alarming,” sinabi ni Magundayao.
Sinusuri na ng FDA kung ang laman ng bakuna ay tubig lamang o powder.
Sinabi rin ni Magundayao na ang mga produkto ay hindi nakalagay sa angkop na medical-grade facilities o biorefrigerators.
Dagdag pa, sinabi rin umano ng mga nahuli na hindi nila alam na ang mga bakuna ay dapat ilagay sa biorefrigerators.
“Siyempre, nababawasan ang efficacy at potency nito. Ibig sabihin, very questionable na ang safety nito para sa mga mababakunahan.”
Inaalam na ng mga imbestigador ang motibo ng mga suspek.
“Inaalam pa po natin ang motibo, pero malinaw na mas mura ito kumpara sa mga lehitimong bakuna,” aniya.
Narekober din ng FDA ang delivery notebooks at distribution lists, na gagamitin para matunton ang mga indibidwal na maaaring nakatanggap ng mga bakuna.
“Ginagawa na po natin ang mga susunod na hakbang para matiyak na hindi na kumalat pa ang mga pekeng bakunang ito, dahil itinuturing na itong falsified products,” sinabi pa ng opisyal.

Share.
Exit mobile version