Idiniin ng Malacañang na hindi raw “exempted” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Anti-Epal Policy.
Kaugnay ito sa kumakalat na isyu hinggil sa naispatang tarpaulin ni PBBM sa isang cash assistance distribution sa Quezon City, kung saan mababasang serbisyo at tulong umano ito ng Pangulo sa taumbayan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, iniutos daw ni PBBM na tanggalin ang nasabing tarpaulin.
“Unang-una, sa ating mga kababayan, noong nakita po ni Pangulong Marcos Jr. ang isang tarpaulin na mayroon siyang larawan, iyon po ay iniutos niyang tanggalin ang kaniyang larawan. Kaya wala na po kayo—binigyan niya po ito, kinol out [called out]niya po ang DSWD,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Biyernes, Marso 27.
Inamin niya ring hindi nila alam ang tunay na kagustuhan ng ilang mga tao kaugnay sa mga ginagawa ni PBBM bilang Pangulo ng bansa.
“Mayroon po kasing mga nangyayari, kapag po hindi nakikita ang Pangulo at karamihan halimbawa ay nasa meeting lamang siya sa Malacañang, kapag hindi nakikita sa labas, ang sasabihin ng iba, nasaan ang Pangulo?” ani Usec. Castro.
Aniya, “Kapag naman nakikitang madalas at nakikita na gumaganap sa kaniyang mga programa, ang sasabihin ng iba namumulitika. At ngayon, maraming nagsasabi, walang ginagawa ang Pangulo, pero ngayon ipinapaalam sa taumbayan kung ano ang proyekto ng Pangulo at sasabihin naman nila, pa-epal. So, hindi natin alam ano ba ang nais ng mga taong ito. So, muli, ayaw ng Pangulo ng pa-epal.”
Nanindigan pa ang press officer na hindi raw talaga exempted si PBBM sa naturang polisiya.
“Hindi po siya exempted. Pero tandaan po natin na dapat din pong malaman ng taumbayan bilang Presidente na ito ang kaniyang proyekto para malaman ng taumbayan, assurance na ang Pangulo ay nandito para sa ating lahat,” anang press officer.
Matatandaang sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kamakailan sa publiko na iulat sa ahensya ang makikita nilang mga politiko na lalabag sa polisiya hinggil sa Anti-Epal.
Trending
- Dodgers inilunsad ang 3-peat bid
- Bella Belen di na makakatanggap ng MVP award
- Enrique Gil may nabuntis?
- James Reid, Issa Pressman malapit na ikasal?
- Kween Yasmin nakunan!
- Angeline Quinto makaka-graduate na
- Maine Mendoza absent sa party ng mga Atayde?
- PNP, nagbabala sa mga magtatampisaw sa tubig ngayong tag-init
